"Dir Jesus"
Dir Jesus,
Sumulat ako sayo dahil sabi ng titser ko mabait ka daw. Pag mabait daw ang bata, binibigyan mo ng aginaldo pag Pasko. Malapit na ang pasko. Sabi ni titser, magsisimba daw kaming lagi. Bukas ay sasama ako sa lola ko para magsimba.
Sabi pa ni titser, alam Mo daw kung sino ang mabait na bata. Mabait naman ako, hindi ba? Sumusunod ako sa utos ng nanay at tatay ko. Marunong na din po akong magdasal kasi tinuruan kami sa paaralan. Dalawa ang kapatid ko, si Marivic at si Ronald at ako ang panganay. Sabi ng tatay ko, magkakaroon pa daw kami ng isa pang kapatid. Malapit na daw siyang lumabas.
Kagabi ay narinig kong kausap ni nanay si tatay.
“Kabuwanan ko ng ngayon Ding. Sana ay maka-ekstra ka naman sa jeep ni Pareng Pepe. Kulang pa ang mga gamit ng bata. Luma pang lahat ng lampin at baru-baruan niya,” ang daing ni Nanay.
“Huwag kang mag-alala, mahal. Pinangakuan ako ni Pareng Pepe sa Lunes. Magbibigay siya sa akin ng pasada. Hanggang Pasko na raw iyon at relyebo daw kami.”
Kawawa naman ang Nanay ko Jesus. Madalas, nakikita ko siyang umiiyak. Ayaw na daw kaming pautangin ni Ka Tubing, yung may malaking tindahan sa palengke. Ang Tatay ko naman, walang permanenteng trabaho. Hindi na bale na wala kaming pamasko. Basta padalhan mo lang ng damit ang baby na ipapanganak ng nanay ko.
Pero wag mong sabihin sa tatay kong sumulat ako sa’yo ha. Magagalit kasi yun. Sabi kasi niya, huwag daw kaming hihingi ng kahit na ano sa kahit na kanino. Kung padadalhan mo ng damit si baby, kay nanay mo ipadala. Zenny Reyes ang pangalan niya. Dito kami nakatira sa Bigaa.
Salamat, Jesus.
Ang iyong kaibigan,
Ana Maria Reyes
Kinabukasan, nang magsimba si Ana kasama ng lola niya, humiling siya na ibili siya nito ng isang lobo. Palihim niyang itinali sa pisi ng lobo ang liham. Matapos nito ay pinawalan na niya ang lobo sa pag-asang makakarating ito kay Jesus.
Araw-araw ay nananabik si Ana sa ipapadalang damit ni Jesus para sa baby ng nanay niya. Maraming araw ang dumaan. Naipanganak na ang malusog na sanggol pero wala pa rin ang mga damit na hinihiling niya. Nagtataka si Ana dahil naging mabait naman siya gaya ng sinabi ng guro niya.
“Hindi kaya dahil madalang akong magsimba kaya wala pa rin ang mga hinihiling ko,” ang sabi ni Ana sa sarili.
Sa sumunod na simbang gabi, ibinilin niya sa lola niya na gigisingin siya para makasama siyang magsimba. Ginising naman siya ng sumunod na araw. Namamaluktot siya sa ginaw pero tiniis niya ang lahat basta makapagsimba lang siya ng araw na yun. Marami nang tao sa loob ng simbahan nang sila ay dumating.
Naisip ni Ana, “Marami rin pa lang tumatawag kay Jesus kaya siguro hindi pa dumarating ang hinihiling kong damit para kay baby,”
Naalala din ni Ana na madalas siyang mapagalitan ng nanay niya dahil sa malikot daw siya. Nung isang araw ay tinawag siya ng kapitbahay para maglaro ng bahay-bahayan. Dahil dito ay hindi niya narinig ang tawag ng nanay niya. Ayun napagalitan tuloy siya.
“Hindi na ako maglalaro, Jesus. Pangako, aalagaan ko na lang ang aby ng nanay ko. Basta yong damit ng baby, huwag Mong kalimutan ha. Sana naman, bago dumating ang Pasko ay maibigay mo na ang mga damit para naman may magandang maisuot si baby,”
Kinabukasan, ginising ulit si Ana ng lola niya para magsimba. Muli ay taimtim siyang nagdasal:
“Dir Jesus, nakita mo, tinawag ulit ako ng kalaro ko kahapon pero hindi na ako sumama. Inalagaan ko na lang ang baby namin. Saka, naglinis din ako ng bahay namin. Siyanga pala, nakita ko na namang umiiyak ang nanay. Wala na naman daw trabaho si natay. Kawawa daw kaming magkakapatid. Wala daw kaming isusuot sa Pasko. Hindi na bale kami, basta si Beybi na lang ang bigyan mo ng damit…”
Sa sumunod na araw, nagsimba ulit sila ng lola niya. Iba naman ang hiniling ni Ana.
“Jesus, nilagnat si baby kagabi. Ipinagamot siya ng tatay sa doktor. Sabi ng tatay, naubos daw ang pera nila sa gamot. Wala na daw kaming panghanda sa Pasko. Dalawang tulog na lang, Pasko na. Sana, sana, pagalingin mo si baby. Hindi na bale na yung hinihiling kong damit. Pagalingin mo na lang po si baby,”
Bago mananghalian nang araw na iyon, habang iniuugoy ni Ana sa duyan ang sanggol ay may biglang tumawag sa may harapan ng bahay nila.
“Misis Zeny Reyes, may package po para sa inyo,” ang sabi ng kartero.
“Ano po? Package? Baka, hindi ho sa akin ito. Sino naman hong magpapadala ng package sa akin?” sagot ng nanay ni Ana.
“Kayo lang ho ang Zeny Reyes dito, e. Nagtataka nga ho kami kasi mula kahapon ng hapon hanggang ngayong umaga, maraming dumating na package na nasa pangalan nyo at sa isang Ana Maria Reyes. Ano nyo ho itong si Ana Maria?” tanong ng kartero.
“Anak ko, heto siya…!” ang sabi ng nanay ni Ana.
Nagbukas ng pakete ang nanay ni Ana. Mga baru-baruan ng bata ang laman ng unang kahon na may kasamang maikling sulat.
Mahal naming Ana Maria,
Natanggap namin ang liham mo na napadpad dito sa Bataan.
Tanggapin mo ang nakayanan naming handog para sa kapatid mong isisilang. Kasama din sa kahon ang ilang bagong damit para sa inyong magkakapatid. Huwag kang mag-alala, marami kaming nakabasa ng sulat mo kaya hindi lang ito ang matatanggap niyo. Maraming pang mga taga karatig baranggay ang magpapadala sa inyo ng aginaldo.
Hanggang dito na lang at hinahangad namin ang maluwalhating pagsilang na iyong kapatid.
Maligayang Pasko sa inyong lahat!
Namamahal,
Jesus
Nagtaka pa siya nang yakapin siyang mahigpit ng nanay niya at umiyak ito pagkatapos.
“Salamat ho, mamang kartero…” umiiyak ay nakatawa ang nanay niya. “Sa amin nga ho ito, salamat ho uli!” at binalingan at inakap na naman siya ng nanay niya.
Kinabukasan ay tumanggap pa sila ng maraming pakete. May money order pa raw, sabi ng nanay niya, na hindi niya alam kong ano yun. Tuwang tuwa pati lola at tatay niya sa padalang iyon kay baby ni Jesus. Talagang mabait si Jesus, totoo ang sabi ng titser niya. At pinakwento sa kanya ng Magulang niya kung paano ang ginawa niyang pagsulat kay Jesus. Sinabi niyang itinali niya ang sulat sa isang lobo, at iyon ang naghatid ng sulat kay Jesus. At natutuwa rin siyang hindi nagalit ang nanay at tatay niya sa kanyang ginawa.
Kaya lang hindi siya naniniwala sa sinabi ng tatay niya. Sabi ba naman na tatay niya’y marahil daw ay sa Bataan bumagsak ang lobo at may nakapulot at nakabasa ng sulat at ipinabasa pa iyon sa iba, na ang milagrong ito ang resulta. Talagang hindi siya naniniwala sa sinabing iyon ng tatay niya. Hindi totoo iyon. Si Jesus ang nagpadala ng lahat ng iyon! Pagkat mabait siya at mahal siya ni Jesus.
Comments
Post a Comment