Gilingang Bato


Ang Gilingang Bato

ni Edgardo M. Reyes



May kahulugang sa buhay ang 

gilingang bato ng kanyang ina


            Walang nakaaalam kung gaano na katanda ang gilingang bato. Ito'y nagisnan na naming magkakapatid. Ayon kay Ina, ito'y minana niya kay Impo, na minana rin naman daw ni Impo sa sariling ina nito. Sa likod niyan ay wala nang makapaglahad sa kasaysayan ng gilingang bato, maliban sa sabi-sabi na ang kalahian daw ni Ina ay kalahian ng magpuputo. Ang ina raw ni Impo ay isang mahusay na magsusuman na kinilala sa buong San Fermin at dinarayo maging ng mga tagakaratig-bayan na nagnanais magregalo o maghanda ng espesyal na suman sa kapistahan, kasalan at iba pang okasyon na may handaan.


            Si Impo ay naging kabalitaan daw naman sa kanyang bibingkang sapin-sapin. At kung ang pagpuputo ay likas sa talinong namamana, si Ina ang tanging nakamana niyon pagka't sa kanilang magkakapatid, tatlong lalaki at apat na babae, siya lamang ang lumabas na magpuputo.


            Sa mangasul-ngasul na hilatsa ng gilingang bato, ang pinag-ukitang batong-buhay ay maaaring sintanda na ng panahon. Ngunit ang mismong gilingan ay hindi kapapansinan ng kalumaan, maliban sa tatangnang mulawin na kuminis na at nagkabaywang sa kaiikot ng sarisaring kamay.


            Hindi ko alam kung gaano kahusay na magpuputo si Ina. Sa lasa ko, ang kanyang lutong mga kakanin, na bihira kong tikman, ay wala namang katangi-tanging sarap. Ngunit maaaring dahil ako'y sawa na. Nawawalan ng lasa ang pinakamasarap mang pagkain kapag araw-araw ay nakahain iyon sa iyo. Ngunit maaaring masarap ngang magkakanin si Ina, pagkat siya, tulad ni Impo, ay naging kabalitaan din sa pagpuputo.


            Ang pagkakanin ni Ina, kung bagaman, ay hindi siyang sandigan ng aming kabuhayan noong nabubuhay pa si Ama, na isang panday. Kung baga'y nakatutulong lamang si Ina. Ngunit biglang-bigla ang pagkamatay ni Ama. Nakaramdam ng naninigid na pananakit sa puson at pamamanhid sa paligid ng pigi, inakalang iyon ay kung ano lamang na titigil din nang kusa, at nang oumayag na pahatid sa ospital (nang panahong iyon ay mayayaman lamang ang karaniwang nagpapaospital) sa kabisera ay huli na; mula sa San Fermin hanggang sa kabisera ay dalawang oras na paglalakbay sa karitela, at sa daan pa lamang ay sabog na ang apendisitis.


            Maliit pa ako noon, pito o walong taon, upang akin nang maunawaan ang kahulugan ng pagyao ni Ama at ang mga naiwan. Ngunit nang malaki na ako, ang pangyayari'y napag-uusapan pa rin paminsan-minsan ng aking mga kapatid at ang nilalaman ng kuwento-kuwento ay nag-aalay ng tagni-tagning kabuuan.


            Dalawang beses lamang daw umiyak si Ina: sa aktuwal na sandali ng pagkamatay ni Ama at nang ang bangkay ay ibinababa na sa hukay. ang pait ay kinimkim sa kalooban, ayaw iluha. At sa libing pa lamang ay usap-usapan na ng mga tao kung paano kami mabubuhay ngayong wala na si Ama. Kawawa raw naman kami.


            Tatlong araw pagkaraan ng libing ay pinulong daw kami ni Ina (hindi ko ito natatandaan).


            "Wala na'ng ama n'yo. Ano'ng iniisip n'yo ngayon sa buhay natin?"


             Isa man daw sa amin ay walang umimik -- si Kuya (panganay sa amin at mga 17 taon noon), si Ate, si Diko, si Ditse, saka ako (bunso).


            "Mabubuhay tayo," sabi raw ni Ina. "Pero kikilos tayong lahat."


            Dati, si Ina ay nagpuputo lamang kapag may pagawa sa kanya. Ngunit ngayong wala na kaming ibang pagkukunan ay hindi na maaari iyong umasa na lamang kami sa dating ng order; kailangang magputo kami at magtinda araw-araw.


            Naging abala ang gilingang bato mula noon. Gumigiling kaming lahat, palit-palitan. Sa umaga, ang malagkit ay nakababad na. Sa hapon ang simula ng paggiling, na inaabot ng katamtamang lalim ng gabi. Hindi madaling gilingin ang tatlo-apat na palangganang galapong.


            Bukod sa mga tanging pagawa, si Ate at si Kuya ay nagtulong sa isang puwesto ng bibingka at puto-bumbong sa kanto. Si Ditse ay nakapuwesto sa palengke tuwing umaga, sa hapon ay lumilibot, sunong ang bilao ng sumang malagkit at suman sa lihiya. Si Diko, na ang karaniwang tinda'y butse at palitaw, ay nakababad naman sa palaruan ng pool sa bayan, ngunit tuwing Sabado at Linggo ay nakapuwesto sa harap ng sabungan. At maging ako, sa edad kong iyon, ay nagtitinda rin, naglalako ng gurgorya, bagama't hindi ako lumalayo nang malayo.


            Natatandaan ko na minsan ay napaaway ako sa aking paglalako ng gurgorya. Dalawang bata ang nakisabay sa lakad ko, at tuwing itatawag ko ang aking tinda ay ginagagad ako. Nakipagbabag ako dahil doon. Umuwi ako nang ngumangalngal, dumurugo ang bibig, may kalmot sa leeg at sa pisngi. Nagsumbong ako kay Ina, ngunit ako ang kanyang sinisi. Hindi ko raw dapat pinansin ang panunukso, at lalong hindi raw nararapat na makipagbasag-ulo ako nang dahil lamang doon. Pinadapa niya ako, tatlong sunod na pinalo ng patpat.


                "Di mo dapat ikahiya'ng paghahanapbuhay," sabi niya. Inulit niya ang pangaral na ito sa aking mga kapatid kinagabihan. "Ayoko ng ikahihiya ng sinuman sa inyo ang hanapbuhay natin. Hindi tayo nagnanakaw. Pinaghihirapan natin 'to!" Ngunit ang higit daw na pinag-uukulan niyon ay si Kuya, na diumano, sapagkat binata na, ay malimit magparamdam kay Ate ng pagkahiya sa bibingkahan at puto-bumbungan.


            Hindi naman sa paglapastangan sa alaala ni Ama, magaan-gaan ang naging pamumuhay namin kaysa noong siya'y buhay. Ang aming bahay na pawid at kawayan ay naging tabla at yero. Sa gabi, ang kabuuan ng mga entrega ng pinagbilhan ay tinutuos ni Ina, ang tubo ay inihihiwalay sa puhunan, itinatabi.


            Matrabaho ang pagkakakanin. Mula sa pangunguha ng mga dahon ng saging hanggang sa pagtitinda ng luto nang mga kakanin ay samut-samot na paghahanda at gawain. Ngunit sa kabila ng mga kaabalahan ay naisisingit namin ang pag-aaral, maliban lamang kay Ditse, na sapagkat may kapurulan ang ulo sa eskuwela ay tumigil pagkaraang makapasa, nang pasang-awa, sa ikalimang grado.


            Nauna si Kuya na nagkolehiyo (sa Maynila, pagkat noo'y wala pang kolehiyo sa lalawigan), sumunod si Ate, sumunod si Diko. Nababawasan ang katulong ni Ina sa hanapbuhay ay nadaragdagan naman ang paggugugulan. Tatlo na lamang kaming naghahali-halili sa gilingang bato. Sa isang banda'y maipagpapasalamat ko na naging mapurol ang ulo ni Ditse, sapagkat kung hindi ay sasapit sana na ako lamang ang maiiwang katulong ni Ina.


            Patuloy ang pagtanggap ni Ina ng mga pagawang puto at suman. Si Ditse ang pumalit sa bibingkahan at puto-bumbungan. Sa akin napasalin ang pagtitinda ng kakanin sa palaruan ng pool sa bayan, at sa sabungan tuwing sabado at Linggo. Gayunman, ang kita namin ay hindi na katulad noong lima kaming kabalikat ni Ina sa hanapbuhay.


            Tulad ng aming nakatatandang mga kapatid, nang matapos namin ni Diko ang mga kursong pinili namin at magkaroon ng sariling trabaho, ang sumunod na hinarap namin ay pag-aasawa. Si Ditse ang pinakahuling nag-asawa sa amin, at ang naging kapalaran naman ay isang magsasaka.


            Nalayo kay Ina ang kanyang mga anak, liban kay Ditse, at sa napangasawa nito na nakapisan sa kanya, sa dating bahay namin. Kaming tatlong lalaki ay layu-layo rin ng tirahan sa Kamaynilaan. Si Ate, na ang napangasawa ay isa ring titser na tulad niya, ay iniuwi ng aking bayaw sa sariling bayan nito, sa Santa Cruz, Laguna, at doon sila parehong nagtuturo.


            Ngunit hindi kami nakalilimot ng pagdalaw kay Ina. Lalo na tuwing Pasko, nasa kanya kaming lahat, pati na ang mga manugang at mga apo.


           Talagang matanda na noon si Ina. Pilak na ang kanyang nandadalang na buhok, luyloy na ang kalamnan ng mga braso, lumaladlad na ang mga pisngi. Ngunit sa larawang iyon ng katandaan ay mababakas pa rin ang katatagan, at sa may kalabuan nang mga mata ay masasalamin ang kawalang-pagsisisi sa kanyang buhay at sa kanyang pagiging isang ina.


            At bakit nga hindi? Sa abot ng kanyang kaya ay nagawa niya ang pinakamabuti para sa kanyang mga anak. Bukod sa pagdakila ng kanyang mga anak, siya'y pinupuri ng mga nakakakilala. Sa San Fermin, ang anak ng isang kutsero ay maaasahang magiging isang kutsero din. Ngunit kami, apat kaming nakapag-aral at ang ikalima'y dapat sanang nakapag-kolehiyo din kung di lamang sa isang kakulangan. Bihirang ina ang makagagawa ng nagawa ni Ina.


            Si ditse ay abala na sa sariling mga anak upang maasikaso pa ang pagtitinda ng mga kakanin. Ngunit si Ina ay tumatanggap pa rin ng mga pagawang puto at suman. Iisa ang payo ng kanyang mga anak, na dapat na siyang tumigil sa mabigat na gawaing iyon, dapat na niyang iukol ang nalalabing mga araw ng kanyang buhay sa pamamahinga. Ngunit ayaw niya kaming pakinggan.


            "Madadali'ng buhay ko pag sinunod ko kayo," katwiran niya.


           Sa lungsod ay walang katatagan ang pamumuhay. Maaaring may trabahao ka ngayon, maaaring bukas naman ay wala. Darating sa iyo ang sarisaring di mo inaasahang mga kagipitan.


            Umaabot ito kay Kuya, sa akin, at lalo na kay Diko, na ang tinapos lamang ay kursong vocational radio-TV technician. At sa kagipitan, ang takbuhan ni Kuya at Diko ay si Ina. sa pananalita ni Kuya at ni Diko, ang kinukuhang pera ay hiram, ngunit sa pagbabayaran ay hindi naman tinatanggap ni Ina.


            "Hamo na. Mahirap 'yong kayo pa'ng kapusin. Nasa Menila kayo, walang malalapitan."


            Ngunit ako, sa kagipitan, ay sa mga kaibigan lumalapit. Anhin ko mang wariin ay hindi ko kayang dibdibin na hingan ng pera, sa porma ng hiram, si Ina, na tuwing maaalala ko ay sa kalagayang matanda at mahina na ay pumipihit pa rin ng gilingang bato.


            Ang totoo, ni minsan mula nang ako'y magkapamilya ay hindi ko ipinahalata sa kanya na ako'y kinakapos sa pera. sa pagdalaw ko sa kanya ay mangyari pa na ako'y may pasalubong na -- na ang ibinili ay maaaring inutang ko lamang. At gayundin, sa aking pagpapaalam ay may iaabot ako sa kanya na sampu-dalawampung piso -- na maaari ring inutang ko lamang. kahit anong pilit naman ang gawin ko ay hindi niya iyon tatanggapin.


        Nangungutang ako ng perang ibibigay ko sa kanya, na alam kong hindi naman niya kukunin, upang mapalabas ko na ako'y nakaluluwag, sapagkat ngayong kami'y may kanya-kanya nang pamilya, si Ina, kapag tungkol sa pera, ay may ibang trato sa amin. Kung gaano siya kapilit sa pagbibigay ng pera sa mga anak ay gayundin naman siya kapilit sa pagsasauli sa perang bigay ng mga anak.


            Kapag umuwi ang isang anak niya, at sa pagpapaalam ay walang iniaabot na pera, ang hinala agad niya ay gipit ang anak niyang ito, at kaya umuwi ay may kailangan, nahihiya nga lamang na magsalita. Dudukot siya ng pera sa kanyang bulsikot at ipipilit iyon sa anak. At kung ibig ng anak na magdamdam at magtampo ang ina, ang kailangan lamang na gawin ay tanggihan ang perang ibinibigay.


            Kaya't ako, sa pagdalaw ko, upang hindi hinalain ni Ina na ako'y hikahos, at upang hindi ako alukin ng perang sa ayaw ko at sa ibig ay kailangang kunin ko, ay nangungutang ako sa kaibigan, kung ako'y walang pera, upang may maiabot sa kanya sa aking pagpaalam. Hindi niya tatanggapin iyon, alam ko, ngunit hindi na lamang niya ako sapilitang bibigyan ng pera pagkat sa akala niya ay maluwag ako, na siyang kahulugan ng aking pagbibigay.


            At isa pa ay ayokong isa pa ako sa kanyang mga anak na iniintindi niya. Ibig ko na kapag naaalala niya ako at ang aking pamilya ang nasa isip niya ay patag ang aming lagay.


            Minsan, sa pag-uwi ko ay dinatnan ko si Ina sa akto na paggiling. Bago ko inagaw sa kanya ang trabaho ay ilang sandali munang minasdan ko siya sa pagkakaupo ko sa kanyang tabi. Makupad na at hirap ang kanyang mga kilos. May kinig na ang kanyang mga kamay sa pagsusubo ng binabad na malagkit. Mabagal na ang ikot ng pang-ibabaw na taklob ng gilingang bato. Pasaglit-saglit ay tumitigil siya, naghahabol ng hininga. Wala na ang kanyang dating lakas, sigla at liksi. Ngunit ang pinagtatakhan ko ay kung paanong ang tuyot nang bisig na iyon ay nakakaya pang makapihit ng gayong bigat.


            Sa bawat tulak at sa bawat kabig ay lalong nanlalalim ang kanyang malalalim nang balagat. Ang nag-usling mga ugat sa kanyang braso ay waring nagsisipagbantang mag-igkasan. Natuon ang tingin ko sa kanyang kamay: kuluntoy, butuhan. Si Ina ay anino na lamang ng kanyang dating sarili, ngunit ang gilingang bato ay iyon pa rin. Sa gilingang bato ay nabanaag ko ang panahon; sa lantang kamay ni Ina ay nakita ko ang mga huling sandali ng pakikihamok ng tao sa panahon. Ang tao ay dumarating at yumayao; ang panahon ay nananatili. Si Ina ay tao; ang gilingang bato ay panahon.


            Inagaw ko ang gilingan. Ayaw niyang ibigay iyon. Sa pagpipilitan namin ay napahawak siya sa kamay ko. Naramdaman ng aking kamao ang ligasgas ng kanyang makapal at nagkakalyong palad. Nakadama ako ng di maunawaang panliliit at pagkahiya.


            Bumitiw siya sa tatangnan.


            "Mahihirapan ka," sabi niya.


            Ako, na bata at malakas, ang kanyang inalala, hindi ang kanyang sarili!


            "Dati kong trabaho 'to," sabi ko.


            Dati ko ngang gawain iyon, ngunit nang mga sandaling iyon, na muling paghawak ng gilingan pagkaraan ng maraming taon, ay nakaramdam ako ng paninibago. Kaybigat niyon! Nangalay agad ang kanang braso ko at kinailangang ihalili ko ang kaliwa. Napansin iyon ni Ina at siya'y nangiti.


            "Hindi ka na 'ta marunong," sabi niya.


            Noong araw, kahit sa kamuraan ko, ay parang nilalaro ko lamang ang paggiling. Ang palanggana'y napapangalahati ko sa galapong nang hindi ako nagpapalit ng kamay. Bakit ngayo'y kayhirap? Naisip ko na ang gaan at bigat ng isang gawain ay naaayon lamang sa kasanayan.


            "Sino ba naman ang nagpapagawa pa sa inyo?" tanong ko.


            "Isang taga-Kamyas. Naimporta. Panregalo daw sa binyagan."


            "Hindi na kayo dapat pang tumanggap ng trabahao. At sila . . . hindi ba nila nakikita na sa edad n'yong 'yan e kawawa naman kayo kung pagtatrabahuhin pa?"


                "Kaya ko 'yan."


                Hindi alam ni Ina ang taon, maging ang buwan at petsa ng kanyang kapanganakan. Ngunit nang siya'y namaalam at tuusin namin ay humigit-kumulang siya sa 80 taon.


            Sa mga huling araw ni Ina, siya'y nagpaaninaw na at mahinang-mahina na upang makayanan pang pumihit ng gilingang bato. At ang kanyang sinabi noon, ang pagtigil sa gawaing mahal sa kanya ay maaaring magpadali sa kanyang buhay, ay waring nagkatotoo. Ayon kay Ditse, mula nang "mamahinga" si Ina ay naging masasakitin ito, bumilis ang panghihina. Gayunman, kahit paipud-ipod ay lumalabas ito sa kusina, dinadalaw ang kanyang gilingang bato, na nakatabi sa ilalim ng kalanan. Hinuhugasan nito iyon, o dili kaya'y pinupunasan ng basahang basa.


            Bigla rin ang kanyang pagkamatay, tulad ng pagyao ni Ama. Ang kalooban namin ay handa na sa mangyayari ngunit inakala namin na mabubuhay pa siya nang mga dalawa o tatlong taon pa. Ngunit isang umaga ay dumating sa amin ang aking bayaw (asawa ni Ditse) at ibinalita na patay na si Ina. Kung ano ang kinamatay, mahirap matiyak. Ngunit hinulaan namin, batay sa nakita sa kanya na mga palatandaan bago siya namatay, na iyo'y pulmonya.


            Tatlong gabing paglalamay. Sa usap-usapan ay maraming papuri kay Ina. Di na iilang patay ang napagmasdan ko sa pagkakaburol, at pangkaraniwang larawan ng patay sa pagkakaburol ay hapis. Ngunit ang aming Ina, sa pagkakaburol, ay waring nakangiti pa!


            Nairaos nang maayos ang libing. At kahit sa kanyang kamatayan, kaming mga anak ay hindi nagkaroon ng pagkakataong gastusan siya. May pera siya sa kanyang bulsikot, mahigit na dalawang daang piso, husto na sa isang payak, payapang libing.


            Pagkaraan, bago kami magkanya-kanya ng uwi, ay pinag-usapan namin ang tungkol sa mga naiwang pamana sa amin ni Ina.


            Bahagi ito ng isang matandang kaugalian hindi lamang sa San Fermin bagkus sa buong lalawigan na sa pagyao ng isang magulang, ang bawat isa sa mga anak ay kailangang kumuha ng kahit isa man lamang na bagay na naiwan, may materyal mang kahalagahan o wala. Ang dapat piliin ng isang anak ay kung alin ang inaakala niya na higit na makapagpapagunita sa kanya sa yumaong magulang.


            Ang bakuran at ang bahay ay hindi na dapat pang pag-usapan. Buhay pa si Ina ay napagpulungan na namin (si Kuya, si Ate, si Diko saka ako) na sa ano't ano man, ang bahay at bakuran ay kay Ditse. Itinuturing namin na siya ang pinakakawawa sa aming magkakapatid. Kinikilala rin namin na siya ang may pinakamalaking naitulong kay Ina sa hanapbuhay, na kaming apat, hindi si Ditse, ang higit na nakinabang. Siya rin sa aming lima ang tanging nakapagsilbi sa aming ina sa huling panahon ng buhay nito.


            Inisip namin ang iba pang mahalagang bagay na naiwan ni Ina.


            Isang singsing na may limang maliliit na butil ng brilyante.


            "Ibigay na rin natin 'yon kay Chedeng," mungkahi ni Ate, na ang tinutukoy ay si Ditse. Alam ni Ate na wala ni isang pirasong alahas si Ditse.


            "Yon ba'ng gusto mo?" tanong ni Kuya kay Ditse.


            Tumango si Ditse, tangong alanganin, nahihiya.


            Isang karaniwang hikaw na tumbaga.


            "Kung walang may gusto n'on sa inyo," sabi ni Kuya, "yon na lang ang sa 'kin. Para kay Ester," na tinutukoy naman ay ang kanyang asawa.


                Sang-ayon kami.


            Naalala ni Ate ang bulaklaking bestido ni Ina, na regalo rin naman niya, ni Ate, sa aming ina noong nagdaang Pasko. Iyon na lamang daw ang kukunin niya, sabi ni Ate.


            "Sa 'kin 'yong bulsikot!" sabi ni Diko. "Baka sakaling kung ibitin ko sa loob ng aming aparador e magbigay sa 'min ng konting suwerte sa pera."


            Hindi namin napigil, napangiti kami. Marahil, ang pinagbatayan ni Diko sa kanyang "pamahiin" ay ang kaalaman niya na kailanman ay hindi nawalan ng lamang pera ang bulsikot ni Ina. Iyo'y yari sa sinauna, antigong seda; tahing kamay, at kung hindi ako nagkakamali ay matanda pa sa akin.


            Binalingan ako ni Kuya. "Ikaw?"


            Sinabi ko na ang nakakuwadro, ipinintang larawan ng aming mga magulang sa bihis-pangkasal.


            Lahat sila'y nanganga, natigilan. Nahiwatigan ko ang panghihinayang nila na walang nakaalala sa kanila sa larawang iyon.


            "O, maayos na?" pagkuwa'y tanong ni Kuya.


            Tanguan kami.


          Pagkaraa'y kanya-kanya nang pagpapaalam sa mga maiiwan, dala ang kanya-kanyang inaring pinakamahalagang alaala ng yumaong magulang.




Comments

Popular Posts